Kinilala ng mga kaanak ang 22-anyos na babae na nakitang patay sa tabing-dagat ng South Road Properties (SRP) Road sa Cebu City. Hinala ng pulisya, pinatay sa pamamagitan ng pagsakal ang biktima.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Neca Denise Lagria, residente sa bayan ng Liloan.
Hinihinala ng pulisya na pinatay sa ibang lugar ang biktima at itinapon lang sa lugar kung saan nakita ang kaniyang bangkay na nakadapa sa mga batuhan.
Nakilala ng mga kaanak ang bangkay ng biktima dahil sa nunal nito sa mukha at suot na damit na uniporme sa pinapasukang trabaho sa isang mall sa Mandaue City.
Ayon sa kapatid, umalis ng madaling araw ng Martes ang biktima dahil umano sa meeting sa trabaho.
Pero nang araw na iyon, hindi nakapasok sa trabaho ang biktima.
Hindi na rin siya makontak sa kaniyang cellphone. Hanggang makita nila sa social media ang balita tungkol sa bangkay ng babae na nakita sa Cebu City na kanilang pinuntahan sa isang punerarya.
Bunso sa apat na magkakapatid ang biktima, at walang alam ang pamilya na nakaaway nito o banta sa banta.
Ayon sa pulisya, may sugat at pasa sa leeg ang biktima na maaaring sinakal umano.
Nakita ang bangkay malapit sa isang outpost ng sea patrollers sa Cebu City pero wala umanong nakitang kaguluhan sa lugar ang mga tauhan ng Bantay Dagat Commission.
May ilang tao na nagsabiย na may napansin silang sasakyan na tumigil malapit sa lugar kung saan nakita ang bangkay dakong 4 a.m.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Antonietto Caรฑete, director ng Cebu City Police Office, mayroon na silang person of interest pero hindi muna tinukoy habang patuloy pa ang imbestigasyon.– FRJ, GMA Integrated News