Alas-otso ng gabi nitong Sabado (Nobyembre 16), naglabas ng bulletin ang weather bureau kung saan inabisuhan ang publiko na malapit nang mag-landfall ang Super Bagyong Pepito sa eastern coast ng Catanduanes sa Bicol Region.
Kasabay nito ang babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na lubhang mapanganib ang dalang kalamidad ni “Pepito”.
Inilarawan ng ahensiya ang hagupit ng bagyo na “potentially catastrophic and life-threatening situation” dahil sa lakas nito.
Nagbabala rin ang Pagasa at maging ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na posibleng magkaroon ng mga storm surge at landslide o pagguho ng lupa sa paghagupit ng Bagyong Pepito.
Katunayan, nitong Sabado pa lamang ay nakaranas na ang ilang lugar sa Bicol ng storm surge o daluyong habang papalapit pa lang ang bagyo.
“Mayroon na pong mga area na affected ng storm surge. `Yung areas ng Catanduanes, Tiwi, Malinao, Rapu-Rapu, at sa city ng Legazpi. Hindi pa naman siya kalakihan pero umabot na po sa mga kabahayan,” ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Region 5 Director Claudio Yucot sa isang panayam.
Patuloy din ang panawagan ng OCD na ilikas ang ilang residente na nananatili pa rin sa kanilang mga bahay upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
“Inaanyayahan po natin sila na lumikas na. May naiwan pang [mga] residente sa storm surge areas. Lumikas na po tayo habang `di pa palaki ang storm surge,” wika pa ni Yucot.
Noong Biyernes, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paglikha ng storm surge risk maps upang matulungan ang mga local government unit na maghanda sa masamang kondisyon ng panahon tulad ng mga bagyo.
Ang storm surge o daluyong ng bagyo, ayon sa Pagasa, ay ang abnormal na pagtaas ng sea level na nangyayari kapag mayroong tropical cyclones o bagyo.
Dulot ito ng malalakas na hangin at low atmospheric pressures na likha ng bagyo. Habang papalapit ang bagyo sa mga dalampasigan ay itinutulak naman ng malalakas na hangin ang tubig sa karagatan patungo sa mga mabababang lugar na maaaring magdulot ng mga pagbaha. Sa ganitong sitwasyon mas magiging mapanganib ang storm surge, ayon sa Pagasa, lalo na kapag sumabay pa ito sa high tide.
Batay naman sa anunsiyo ng NDRRMC, asahan ang higit tatlong metrong taas ng alon at storm surge sa mga lalawigan ng Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes at Quezon.
Bukod dito asahang makakaranas din ng 2-3 metrong taas ng alon at storm surge ang mga lalawigan ng Albay, Aurora, Batangas, Biliran, Eastern Samar, Isabela, La Union, Leyte, Marinduque, Masbate, Northern Samar, Pangasinan, Samar at Sorsogon.
Dagdag pa ni OCD Administrator at Undersecretary Ariel Nepomuceno na dapat seryosohin ng publiko ang paglikas sa mas ligtas na lugar habang may oras pa para gawin ito.
Paliwanag ni Nepomuceno, maaaring lumala pa ang banta ng mga landslide dahil na rin sa tubig na dala ng mga bagyo na pinapalambot ang lupa.
Dagdag niya, hindi dapat maging kampante ang publiko at ang gobyerno sa mga nakaraang karanasan sa bagyo at dapat laging isipin ang “worst-case scenario” tuwing may paparating na kalamidad. (Vince Pagaduan/Just Ignacio/Migo Fajatin)