Sinagot ni John Arcenas ang tanong namin kung bakit nakatalikod siya sa poster ng “Idol: The April Boy Regino Story” ay for promo purposes daw. Para ma-curious ang tao at gimik na rin for more mileage.
Sabi naman ng producer ng movie na si Marynette Gamboa, pahuhulaan pa sana nila kung sino ang aktor na gumanap sna April Boy Regino, kaya lang, maaga at mabilis na nag-leak na si John ‘yun, kaya wala ng sorpresa.
First lead role ito ni John sa mainstream movie, natatakot siya, pero hopeful na magugustuhan ng moviegoers ang pelikula.
Nag-audition siya at dahil magaling kumanta, siya ang napili ni director Efren Reyes, Jr. Theater actor at gumawa na ng indie films si John, kaya may background na siya sa acting.
Nakatutuwa lang na isa sa resource person ni John para mas mahusay na magampanan ang karakter ng singer ay ang kanyang ama. Fan ang dad niya ni April Boy.
“Nag-voice lesson din ako, pinanood ko ang movies niya at mga TV guesting para lang makita kung paano siya kumilos at magsalita. ‘Yun ang preparation na ginawa ko at tinulungan din ako ni direk Efren,” sabi ni John.
Isinabmit sa 2024 MMFF ang “Idol: The April Boy Regino Story,“ pero hindi napili. Nalungkot sila at inisip na lang nila na blessing in disguise ‘yun para sa kanya.
“Nalungkot kami noong una na hindi nakapasok sa MMFF ang movie, pero ipinasasa-Diyos na lang namin. Ang mas maganda, mas napaaga ang showing nito dahil sa November 27, na ito mapapanood,” banggit ni John. (NITZ MIRALLES)