Pwedeng maging kapalit ang Senate president oras na matanggal sa kanyang puwesto si Vice President Sara Duterte, batay na rin sa inaatas ng Saligang Batas.
Ito ang naging pahayag ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon, oras aniyang madeklarang ‘incapacitated’ ang bise presidente base na rin sa mga tinuran nito.
Nauna rito’y inihayag ng pangalawang pangulo na napagtanto niyang “toxic” na ang samahan nila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang pumasok sa isip niya na tanggalan ng ulo ang huli dahil sa inis. Nagbanta rin ito na huhukayin ang bangkay ng namayapang si dating Pangulong Marcos Sr. at itatapon ang labi nito sa West Philippine Sea.
“The role of our Vice President according to our Constitution is to assist the President in his performance of his duties and to perform such other functions that may be assign by the President,” paliwanag ni Gadon. “Paano siya makakapag-assist sa Presidente, kung siya mismo, idineklara niya, sa sarili niya, na hindi na siya makikipag-cooperate sa ating Presidente. Hindi na siya tutulong, and in fact iniisip niya, ini-imagine niya, na gusto niyang pugutan ng ulo ang ating Presidente,” paliwanag pa ni Gadon.
Aniya’y ipinahamak lamang ni Duterte ang kanyang sarili at pinatunayang wala siyang kakayahan na manilbihan bilang bise presidente.
“She made herself incapacitated, by those statements and actions,” sabi pa ni Gadon.
Ang pagdeklarang si VP Sara ay ‘incapacitated’, ayon pa rin sa opisyal ay nakasalalay lamang sa kapangyarihan ng Kongreso.