Posible umanong Senate Blue Ribbon Committee ang mangunguna sa imbestigasyon kaugnay sa anti-illegal drugs war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, ito ang direksyong kanyang nakikita batay sa pakikipag-usap sa mga senador.
Ayon kay Escudero, tanging ang Blue Ribbon Committee kasi ang puwedeng magsagawa ng motu proprio investigation kapag naka-session break ang Kongreso.
Maiiwasan din aniya na matakot ang mga resource person kapag hindi komite ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang mangunguna sa imbestigasyon at maiwasan ding magkapersonalan.
Inihayag ni Escudero na maaari namang sumali sa pagdinig sina Dela Rosa at Senador Christopher “Bong” Go na nababanggit sa pagdinig ng House Quad Committee na sangkot sa tokhang.
Gayunpaman, isang opsyon pa rin aniya ang Committee of the Whole o ang Committee on Justice pero mas may posibilidad ang Blue Ribbon Committee.
Samantala, umapela ang isang kongresista kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para lumikha ng isang independent fact-finding commission na mag-iimbestiga sa mga kaso ng extrajudicial killings (EJK) sa pagpapatupad ng giyera kontra droga ni Duterte.
“We urge the President to form a panel – similar to the Agrava Fact-Finding Board – that will probe the summary killings and identify all individuals who may be held criminally liable,” sabi ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino Libanan.
Ang five-member Agrava Fact-Finding Board ang inatasan na mag-imbestiga sa pagpaslang kay dating senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. sa Manila International Airport (NAIA na ngayon) noong Agosto 21, 1983. (Reymund Tinaza/Billy Begas/Eralyn Prado)