Bigo ang mga awtoridad na makita ang mga baril na target ng kanilang grupo matapos pasukin ang bahay ni Narra municipal administrator Edmond “Jojo” Gastanes sa Purok Tagumpay, Barangay Panacan, mag-a-alas 6 kaninang umaga, November 21.
Ayon sa hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Palawan na si P/Major Joebeth Decastro, reklamo tungkol sa pagdadala ng mga high-powered na baril at mga larawang kumakalat sa social media laban kay Gastanes ang nagtulak sa kanila upang mag-aplay ng search warrant.
“May complainant po at kalat sa social media ‘yung mga hawak niya na high-powered firearms. Upon verification sa Firearms and Explosive Office, wala siyang License to Own and Possess Firearms (LTOPF), at ang mga nasa picture na may hawak siyang mga baril ay wala ring record sa FEO,” pahayag ni Decastro.
Ayon sa nakasaad sa search warrant na dala ng CIDG Palawan, ang target ng kanilang operasyon ay ang mga umano’y baril na pagmamay-ari ni Gastanes, kabilang ang isang .45 caliber pistol, isang 9mm caliber pistol, isang .22 long rifle, at isang M4 long rifle, pati na rin ang mga magazine at bala.
Mariin namang itinanggi ni Gastanes ang mga alegasyong may ganitong uri siyang mga baril. Aniya, ito ay malinaw na pangha-harass laban sa kanya, at alam niya umano kung sino ang nasa likod ng mga bintang na ito.
“Ilabas nila ang mga sinasabing post na may hawak akong baril. Sira ulo ba ako para mag-post na may hawak akong high-powered na mga baril? At never in my life na humawak ako ng baril,” pahayag niya.
“Ginastusan nila ‘yan. Ano ang interes nila sa akin? Bakit ang San Pablo, Laguna [court] ang nag-issue ng warrant? Common sense na lang, kung ikaw ay small-time na CIDG, hindi mo ako pag-iinteresan dahil malayo nga ‘yun (San Pablo Laguna RTC),” dagdag pa niya.
“Alam na alam namin kung sino ang nasa likod at nagbabayad diyan. Kami kasi, ako, si Mayor (Gerandy) Danao—kami lang ang tumitindig sa south na mayor. Kami lang ang sumusuporta kay Governor (Dennis) Socrates. Alam na nila ‘yan. Panakot nila ‘yan, pero hindi kami takot sa kanila,” saad pa niya.
Sinabi pa ni Gastanes na pinasok ng mga pulis ng CIDG ang iba pang bahay ng kanyang kaanak sa nasabing lugar, taliwas sa nakasaad sa search warrant.
“Dalawang compound ‘yun. Kabilang compound, bahay na ni Atty. (Edwin) Gastanes ‘yun, pero pinasok nila at nag-search sila doon. Sa likod na bahay ng pinsan ko, pinasok din nila ‘yun,” reklamo niya.
Dahil sa mga nangyari, sinabi ni Gastanes, na kasalukuyang nasa bakasyon, na magsasampa sila ng reklamo laban sa CIDG.
Samantala, ang nasabing search warrant ay ibinaba ni Judge Liza R. Mannow-Dela Cruz ng Branch 31,Fourth Judicial Region, Regional Trial Court, ng San Pedro City, Laguna, noong November 12.
Sa mga alegasyon na binitawan ni Gastanes, ipinaliwanag naman ng CIDG na upang maging confidential ang kanilang trabaho, mas pinili nilang sa RTC ng Laguna mag-aplay ng search warrant.
Idiniin din ni Decastro na hindi sila nagpapagamit sa sinumang politiko at patas lang sa kanilang trabaho.
“Kami po ay non-partisan. Walang gumamit sa amin ng anumang political influence. We are just doing our job and enforcing the law in good faith,” depensa ni Decastro.
Dahil sa walang nakitang baril sa bahay ni Gastanes matapos ang ginawang paghalughog, sinabi ng hepe na walang maisasampang kaso sa admin officer ng Narra.
Ngunit may mga susunod pa silang hakbang kaugnay sa mga reklamo laban dito at sa mga larawang kumakalat sa social media.
“Wala po, ma’am, but still may actions pa rin kami. Kasi wala siyang LTOPF pero may dalawang baril na naka-register sa pangalan niya, at ‘yung mga pictures na may hawak siyang high-powered firearms,” sabi ni Decastro.
Sa paniniwala ng CIDG, iisang bahay lang ang kanilang pinasok at wala silang nilabag na nakasaad sa isinilbing search warrant. Katwiran nila, maliban sa kanilang grupo, limang witness mula sa barangay ang kasama nila upang magpatunay sa kanilang trabaho.
“Sa tingin namin, isang bahay lang ‘yun. Para lituhin at madepensahan nila ang sarili nila, sasabihin nilang tatlong bahay ‘yun para malito kung sino man ang magsi-serve ng search warrant,” ayon sa hepe ng CIDG.