Kritikal ngayon sa ospital ang isang rider, habang nasawi ang angkas nito nang madisgrasya sa National Highway ng Barangay Tacras, Narra, Palawan, hatinggabi noong Nobyembre 19.
Ang nasawi ay kinilalang si Francis Salde Failona, habang kritikal si Raven Bundal Timbas, na nakatira sa Barangay Aramaywan, Narra at kapwa nasa senior high school.
Sa report ng Narra PNP, mula sa Barangay Aramaywan, sakay ang dalawa ng isang Suzuki Smash 115, patungo sa timog, nang mawalan ng kontrol at nahulog sa malalim na gilid ng kalsada.
Dahil sa nangyari, parehong nagtamo ng matinding pinsala sa katawan at ulo ang dalawa na agad dinala sa Narra Hospital, kung saan dineklarang dead on arrival si Failona.
Sa impormasyon na nakuha ng Palawan News mula sa lugar, parehong nakainom ang dalawang lalaki at sinasabing patungo ng Quezon para bumisita sa kanilang kaibigan.
Bago nangyari ang aksidente, inakala pa ng ina ng nasawing si Failona na natutulog na ito sa kanyang kwarto. Si Timbas naman, nagkaroon pa ng pagtatalo sa kanyang tatay matapos na pigilan itong gamitin ang motorsiklo.
โAkala ng nanay tulog na si Francis, kasi noong hapunan sumalo pa โyan sa plato ng nanay niya, nakipaglambing-lambing pa, yun pala noong nakatulog ang nanay, tumakas,โ pahayag ng source.
Kritikal ang kalagayan ni Timbas na pinayuhan ng dalhin sa mga pagamutan sa lungsod ng Puerto Princesa.