Natiyempuhan namin na naka-Instagram live si Pokwang. Nasa bahay niya at kumakain na naka-kamay lang . Siyempre, pino-promote ang kanyang mga produkto.
Nag-chat kami sa kanya ng tanong na in all fairness, sinagot naman niya. Nagiging usap-usapan ang tungkol sa ‘It’s Showtime’ at sa kontrata nito sa GMA-7 na mage-expire na ngayong December. Kasabay ito ng balitang ang morning show nila, ang ‘TiktoClock’ daw ang papalit.
Nang tanungin namin si Pokwang sa reaksyon niya tungkol dito, mabilis na itinanggi niya at sinabing wala itong katotohanan.
Ayon kay Pokwang, “Wala, wala, walang ganyan.
“Wala namang ganyan. Basta kami, nagtatrabaho lang. Kung ano ang trabaho namin, ginagawa namin. Pero wala.
“At mahal natin ang ‘It’s Showtime.’ Si Meme! (Vice Ganda) Mahal natin si Meme.”
At saka niya hinirit na suki niya raw sa kanyang gourmet business si Vice Ganda na ang daming binibiling laing sa kanya.
Sa isang banda, sa pagtatanong nga namin, dahil under negotiation pa o pinag-uusapan pa ang tungkol sa kontrata ng It’s Showtime sa GMA, posible raw na mas lamang na magtutuloy-tuloy lang itong mapanood sa Kapuso network.